-- Advertisements --

Pinagsusumite ni Senator Francis Pangilinan ang gobyerno ng malinaw at konkretong plano sa gagawing pagbili at pamamahagi ng coronavirus disease vaccine bago sumapit ang Pasko.

Nais daw kasing pag-aralan ng Senado ang magiging aksyon at presentasyon ng pamahalaan sa mga bakuna na bibilhin nito.

Kailangan aniya na mag-step up ang gobyerno sa pagsugpo sa deadly virus. Ginawa pa nitong halimbawa ang Singapore na kasalukuyang nasa phase 3 na ng plano, Ito ay ang pagbubukas muli ng nasabing bansa bago ang 2021 at gayundin ang libreng bakuna para sa lahat pagdating ng third quarter sa susunod na taon.

Una nang inaprubahan ng Senadp ang Senate Resolution 594 na humihiling sa Senate Committee of the Whole na silipin ang national COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.

Posibleng magsimula ang pagdinig sa Enero 2021.

Ayon sa senador, mahalaga ang pagsasagawa ng pagdinig sa mga ganitong paksa upang kahit papaano ay mawala ang pangamba ng publiko sa bakuna at tiyakin na mayroong maayos na plano ang gobyerno sa pagbili at pamamahagi ng bakuna.

Importante umano na masagot ang mga agam-agam dahil kung hindi raw masasagot ang pangamba ng taumbayan ay kahit anong bakuna pa raw ang ipamigay ay hindi ito magtatagumpay.

Bukod dito, kailangan din aniyang siguraduhin na hindi magagamit sa korapsyon ang pagbili ng mga bakuna.

Hangga’t hindi raw kasi natutugunan ang problema sa pagkalat ng COVID-19 ay patuloy na maaapektuhan ang ekonomiya ng bansa.