-- Advertisements --

Makakatanggap ng one-time cash assistance mula sa pamahalaan ang mga maliliit na magsasaka ng bigas sa gitna ng COVID-19 health emergency, ayon kay Agriculture Sec. William Dar.

Sinabi ni Dar na makakatanggap ng tig-P5,000 ang 591,246 rice farmers sa 34 na probinsya sa bansa sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).

Ang iba namang magsasaka na nagtatanim bukod sa bigas ay sakop aniya ng P5,000 hanggang P8,000 emergency cash subsidy sa ilalim ng social amelioration program ng pamahalaan.

Dahil sa inter-agency coordination, sinabi ni tinitiyak ni Dar na walang duplication sa pagbibigay ng cash assistance.

“Mayroon kaming ugnayan ng DSWD (Department of Social Welfare and Development) na walang duplication. We are exchanging lists,” ani Dar.

Sinabi ni Dar na ang cash assistance na kanilang ipapamahagi ay maaring kunin over the counter sa iba’t ibang branches ng Land Bank of the Philippines.

Nabatid na noong nakaraang taon ay namahagi rin ang DA ng P5,000 unconditional cash assistance sa mga maliliit na magsasaka ng bigas na apektado nang pagbaba ng presyo ng palay dahil sa Rice Tariffication Law.