KALIBO, Aklan–Ipinagmalaki ng pamunuan ng Malay Municipal Police Station na naging epektibo ang kanilang inilatag na police strategy sa paggunita ng Semana Santa sa isla ng Boracay.
Ipinahayag ni Police Lieutenant Colonel Don Dicksie De Dios, hepe ng Malay Municipal Police Station na nakapagtala sila ng ‘zero incident’ mula Abril 11 hanggang 17, 2022.
Ito ay matapos na magdeklara sila ng full alert status noong Abril 10 upang matiyak ang kaligtasan ng mga turista.
Nagpatupad rin ang lokal na pamahalaan ng Malay ng “one entry, one exit policy” para matiyak ang pagtalima sa health and safety protocols.
Dagdag pa ni De Dios na naging pro-active ang mga kapulisan sa pagbigay ng seguridad sa mga bakasyunista.
Napag-alaman na noong Huwebes Santo ay nakapagtala ang Malay Tourism Office ng halos 14,000 na tourists arrival sa loob ng isang araw sa unang pagkakataon mula ng pumutok ang COVID-19 pandemic.
Dahil sa mataas na influx ng mga tao ay na-overwhelm rin ang sektor ng transportasyon sa isla kung saan halos nagkaubusan ng mga e-trike at van.