Maglulunsad ng nationwide transport strike o tigil pasada ang grupong Manibela sa Lunes, Oktubre 16 para iprotesta ang umano’y katiwalian sa pag-apruba ng prangkisa para sa mga public utility vehicles (PUVs).
Sinabi ni Manibela chairman Mar Valbuena na nangako ng suporta ang lahat ng miyembro nito na makiisa sa transport strike, partikular na sa Metro Manila, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) at Central Luzon.
Ang miyembronng Manibela ay binubuo ng mga tsuper at operator ng mga pampasaherong jeepney, UV Express at multicab.
Saad ni Valbuena, ito ang magiging pinakamalaking transport strike na mararanasan ng gobyerno dahil magsasagawa din sila ng kilos-protesta sa harap ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Department of Transportation at Malacañang.
Subalit paliwanag ni Valbuena hindi nila kinakalaban ang gobyerno kundi ang katiwalian na siyang dahilan kung bakit naghihirap ang mamamayang Pilipino at umaasang maakayunan ito ng Pangulo.
Sa isang press briefing sa Manibela sa Quezon City, iniharap nila ang whistleblower sa umano’y katiwalian sa pag-apruba ng mga prangkisa ng PUV.
Aniya, bilang lider ng transport group, sinabi ni Valbuena na naranasan din niya at ng kanilang mga miyembro ang kahirapan sa pagkuha ng mga prangkisa para sa kanilang mga PUV.
Wala pang pahayag ang LTFRB sa naturang alegasyon ng katiwalian habang isang opisyal ng DOTr ang nagsabing maglalabas sila ng pahayag tungkol sa isyu.