BUTUAN CITY – Eksklusibong ipinakita sa Bombo Radyo Butuan ang “isolated” resort na pinagtataguan ni Kabus Padatoon (KAPA) Community Ministry International Inc. founder, Joel Apolinario.
Kasama ni Apolinario sa naturang mansyon ang kanyang pamilya at mga tauhan nang pasukin ng mga otoridad kahapon ng umaga sa Barangay Handayaman sa bayan ng Lingig, Surigao del Sur.
Sa entrance pa lang ng resort, makikita ang guard house kung saan naganap ang engkuwentro na ikinamatay ng isa sa mga bodyguard ni Joel Apolinario na si Melecio Siano na hindi na umabot pang buhay nang dalhin sa ospital.
Mula sa guard house sa layong isang kilometro, makikita na ang kulay puti na mansyon ng mga Apolinario na tinatayang may lawak na 300-square meters ang ground floor at siya ring tirahan ng mga babae nilang trabahante.
Sa labas ng mansyon ay may ilang bahay din kung saan naman naganap ang ikalawang sagupaan na ikinamatay sa isa pang bodyguard.
Makikita pa sa white sand na paligid ang apat na mga jet ski na nasa baybayin.
Andyan pa ang ilang mga heavy equipment na ginagamit sa pag-develop pa sana sa lugar na noon ay puro lamang niyugan.