Itinanggi ng kampo ng dating kongresista Jing Paras na suhol ang P5.5 million na ibinigay sa isang umano’y talent manager na si alyas ‘Ken’, at iginiit na financial assistance lamang ito para sa mga gastusin ng mga testigong naglahad umano ng impormasyon kay Executive Secretary Ralph Recto.
Ayon kay Atty. Mark Tolentino, abogado ni Paras, na boluntaryong lumapit sa kanila ang isang indibidwal na gumagamit ng alyas na “Ken” upang magsiwalat ng umano’y nangyari noong 2025.
Ayon kay Tolentino, humingi lamang umano ng tulong si Ken sa paggawa ng affidavit, kaya kumuha sila ng mga abogado para tumulong sa paghahanda ng mga dokumento.
Giit pa ng abogado na natakot umano ang mga testigo para sa kanilang kaligtasan dahil mataas na opisyal ang kanilang lalabanan.
Dahil dito, sinabi ni Tolentino na humingi umano sila ng pondo para sa kanilang seguridad at iba pang gastusin habang nagtatago.
Samantala, sinabi ni Tolentino na planong magsampa ni Paras ng perjury complaint laban sa mga indibidwal na nag-akusa sa kanilang kliyente.
Una nang sinabi ni National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag na umano’y inalok ni Paras ng suhol ang ilang biktima ng human trafficking kapalit ng paglikha ng kuwento para siraan si Recto.
Ayon kay Matibag, nakatakda umanong isagawa ang plano matapos ang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Noong nakaraang linggo, naglabas ang NBI ng subpoena para kina Paras at Batangas Rep. Leandro Leviste, na iniugnay rin sa umano’y ”Honeytrap” na pareho nilang itinanggi.
“This is part of a bigger and grander plan to decimate the legitimate opposition. Alam naman natin si Congressman Jing Paras ay isa sa mga foremost critics ng Marcos administration at founder nung kampilan,” ani Topacio.
Samantala, nagpunta rin sa NBI ang abogado ni Leviste at muling itinanggi ang anumang pagkakasangkot ng kongresista. Ayon sa kaniyang abogado, iginiit muna nila ang karapatan ni Leviste para manahimik.
Sinabi rin ng abogado na wala siyang impormasyon tungkol sa kasalukuyang kinaroroonan ni Leviste matapos iulat ni Matibag na nagtungo ito sa Hong Kong noong Agosto 2.











