Mag-iisyu ang National Bureau of Investigation (NBI) ng subpoena laban kina Batangas 1st District Representative Leandro Leviste at dating Congressman Jacinto “Jing” Paras kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y “bugaw” scheme laban kay Executive Secretary Ralph Recto.
Hinihinala kasing sangkot sina Leviste at Paras sa pagbuo ng kwento o pag-frame up kay Recto para idawit ito sa kaso ng human trafficking, prostitusyon, at paggamit ng ilegal na droga.
Nag-ugat ang subpoena sa naging pag-amin at affidavit ng isang talent manager na naaresto ng NBI-NCR sa isang entrapment operation sa isang hotel sa Malate, Maynila. Iniligtas din sa operasyon ang limang female artists.
Ibinunyag din ng talent manager na kinausap siya ni Paras para maglabas ng gawa-gawang pahayag ang apat na babae na pinilit sila ni Recto na gumamit ng iligal na droga at makipagtalik sa kaniya, kapalit umano ang P1 million bawat isa o P5 million na bayad sa kabuuan para sa talent manager at sa apat na babaeng biktima.
Isiniwalat din ng talent manager na si Leviste umano ang financer ng naturang plano laban kay Recto.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, nakakuha sila ng cellphone mula sa isa sa mga sangkot kung saan nakita ang mga buradong mensahe at komunikasyon na nag-uugnay diumano kay Paras.
Sinabi rin ni Matibag na lumabas sa imbestigasyon na ang umano’y plot na ito laban sa Executive Secretary ay nakaplanong isagawa sa susunod na linggo o matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Inilarawan naman ng NBI chief ang naturang plot laban kay Recto bilang “character assassination,” kung saan hindi lamang umano siya ang target dito. Sakali aniyang magtagumpay ang plano laban kay Recto, posibleng targetin ng mga salarin ang iba pang cabinet members at mga opisyal ng gobyerno.
Inaasahan namang iisyu ang mga subpoena ngayong Biyernes, Hulyo 31, 2026. Inaasahan rin sina Leviste at Paras na magtungo sa opisina ng NBI sa darating na Miyerkules o Huwebes ng susunod na linggo upang magbigay-linaw sa naturang isyu.
Giit ni Matibag, mas mabuting sa NBI sila magpaliwanag sa halip na sa social media lamang magtanggi.
Kapwa naman itinanggi nina Leviste at Paras ang mga alegasyon laban sa kanila.














