Iminungkahi ng ilang kongresista na gamitin ang Malampaya Funds bilang karagdagang source of funding para sa pagpapabuti ng public health infrastructure sa bansa sa gitan ng COVID-19 pandemic.
Inihain nina 1-PACMAN party-list Representatives Eric Pineda and Mikee Romero, pati na rin ni Manila Teachers party-list Representative Virgilio Lacson ang House Bill 7800, o ang proposed Public Health Infrastructure Act.
Layon ng panukalang batas na ito na amiyendahan ang Presidential Decree (PD) No. 910 para payagan ang Kongreso na ilaan ang bahagi ng Malampaya funds at iba pang kaparehas na mga proyekto para gamitin sa public health infrastructure.
Ang PD 910, na nalagdaan noong 1976 pa, ay ang siyang dahilan kung bakit nabuo ang Energy Development Board at nagtatakda rin ng kapangyarihan at functions nito.
Sinabi ni Pineda sa isang media forum nitong umaga na aabot sa $1 billion ang kinikita ng Malampaya para sa pamahalaan at karamihan dito ay ginagamit sa oil exploration at improvement ng energy sector.
Ito aniya ang dahilan kung bakit nila nais amiyendahan ang umiiral na batas upang sa gayon sa panahon ng kalamidad ay maging available ang Malampaya fund.
Sa ngayon, pending pa sa Committee on Appropriations ang House Bill 7800.