Malaki umano ang magiging abala sa mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang nakatakdang pagkalas na ng mga private hospitals sa ahensiya dahil sa mga hindi pa nabayarang claims.
Ayon kay Private Hospitals Association (PHAPI) President Jose Rene de Grano, mayroon daw malalaking ospital sa National Capital Region (NCR) ang mag-aanusiyo na hindi na sila magre-renew sa PhilHealth dahil sa P20 billion na utang ng ahensiya sa mga pribadong ospital sa bansa noong buwan ng Agosto.
Maliban sa mga ospital sa Metro Manila, una na rin umanong nagpahayag ang mga ospital General Santos City, Iloilo City at Cagayan Valley na hindi na sila magre-renew sa PhilHealth kasunod ng isyu.
Pati raw ang ilang mga pribadong ospital sa Laguna, Quezon at Cavite ay posible na ring kumalas sa PhilHealth.
Dahil dito, sakali raw mayroong ma-ospital na mga miyembro ng PhilHealth ay bibigyan na lamang ang mga ito ng statement of account at sila na ang mag-refund sa ahensiya.
Bukod sa pagbabayad ng PhilHealth sa claims ng mga private hospital ay dapat din umanong bayaran ng ahensiya ang mga claims para sa mga kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa ngayon, napipilitan na raw magbawas ang ibang ospital ng kanilang working hours ng mga empleyado para lamang makapagpatuloy sa kanilang mga operasyon dahilan para umalis patungo sa ibang bansa ang karamihan sa mga nurses sa Pilipinas
Patuloy naman ang PHAPI sa pagsasagawa ng training para sa mga underboard nurses na kapalit ng mga registered nurses na nawala.
Noong nakaraang buwan nasa lima hanggang 10 pursiyento sa bilang ng mga nurses sa mga pribadong ospital ang nangibang bansa.