LEGAZPI CITY – Umuusad na ang imbestigasyon ng kapulisan sa insidente ng panghoholdap at pagtangay ng malaking halaga ng pera sa isang bahay sa Sitio Tampi, Barangay Binanwahan, Juban, Sorsogon.
Biktima sa pagnanakaw ang mag-asawang sina Ma. Lourdes, 48-anyos, at Jessie Florano, 47.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay P/Capt. Jake Peralta, hepe ng Juban-Philippine National Police (PNP), pinasok ng dalawang lalaki ang bahay na umano’y armado ng kutsilyo at baril.
Nagtamo pa ng sugat sa ulo si Jessie nang pukpukin ng isa sa mga suspek.
Dahil sa takot, ibinigay na lamang ni Ma. Lourdes ang ipon nilang nagkakahalaga ng P100,000 upang umalis agad ang mga kawatan.
Hindi rin nakilala ang mga nanloob na kapwa nakatakip ang mukha dahil sa suot na bonnet.
Samantala, hindi kalayuan sa bahay nang matagpuan ang wasak na toy gun na pinaniniwalaang ginamit sa pagnanakaw.
Sa ngayon may apat nang persons of interest na tinitingnan ang PNP kabilang na ang dalawang nagsilbing “lookout” sa pangho-hold-up.