Patuloy pa ring uulanin ang malaking bahagi ng Luzon dahil sa umiiral na hanging habagat.
Ito’y kahit nakalabas na kagabi sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Ineng.
Ayon sa Pagasa, makakaapekto ang southwest monsoon sa kanlurang bahagi ng Luzon, na magdadala ng maulap na papawirin at kalat-kalat na mga pag-ulan.
Gayundin ang mararanasan sa Batanes, Babuyan Group of Islands, Ilocos, Cordillera Administrative Region, Zambales, Bataan, Metro Manila, Calabarzon at Mimaropa.
Habang ang nalalabing bahagi ng Eastern at Central Luzon ay magkakaroon naman ng bahagyang maulap na kalangitan na may isolated rainshowers at thunderstorms.
Maaliwalas naman ang panahon sa Bicol region, Visayas at Mindanao na may kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa hapon o gabi.
Magiging maganda rin ang panahon sa Visayas at Mindanao ngunit may isolated thunderstorms sa nasabi ring oras.
Si Ineng, na lumabas ng PAR dakong alas-6:00 ng gabi nitong Sabado, ay huling namataan sa layong 500-kms kanluran hilagang-kanluran ng Basco, Batanes at kumukilos papalayo ng bansa.
Inaasahan namang papasok sa PAR sa Lunes ang isang low pressure area na nasa 1,695 kms silangan ng Surigao del Sur.
Posibleng maging bagyo ang naturang sama ng panahon at maaari ring tumbukin ang direksyon ng Hilaga o Gitnang Luzon.