Inanunsyo ng Malacañang nitong Huwebes ang pagsususpinde ng mga klase sa lahat ng antas at trabaho sa gobyerno sa National Capital Region para sa Setyembre 1 dahil sa habagat na pinalakas ng mga tropical cyclone.
Batay sa Memorandum Circular 30, na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamina, ang paparating na malakas na ulan dulot ng habagat ay ang dahilan ng pagsususpinde ng trabaho sa mga opisina at klase sa Metro Manila.
Samantala, ang mga ahensyang may mahahalagang serbisyo tulad ng healthcare, disaster preparedness and response at iba pang mahahalagang tungkulin ay required pa rin na mapanatili ang kanilang mga operasyon.
Ayon pa sa Palasyo, ang desisyon na suspindihin ang trabaho sa mga pribadong kumpanya at opisina ay nakasalalay pa rin sa kani-kanilang mga pinuno.
Nauna nang iniulat na ang malakas na pag-ulan ay nagresulta na sa pagbaha sa iba’t ibang lansangan sa loob ng Metro Manila.