Nagbanta si Executive Secretary Vic Rodriguez na posibleng sampahan ng mabigat na kasong economic sabotage ang mga smugglers ng mga asukal.
Ayon kay Rodriguez ang naturang kaso ay walang piyansa.
Ginawa ng kalihim ang babala matapos na mabulgar ang tangkang pagpuslit ng mga asukal papasok ng bansa gamit ang recycled na import permits matapos ang serye ng mga inspections sa ilang mga warehouse na nagtatago umano ng mga asukal.
Una nang ibinulgar ng Malacañang na may shipment ng 7,021 metric tons ng asukal mula sa Thailand ang gumagamit ng “recycled” import permit na naharang ng Bureau of Customs (BOC) sa Zambales.
Ang nabigong shipment ay merong 40,000 bags ng white refined sugar, na may kabuuang tax payment na nagkakahalaga ng P45,623,007.51.
Ito ay nakasakay sa cargo vessel MV Bangpakaew na pumasok sa Pilipinas sa pamamagitan ng Subic Port.
Bago pa man madiskarga ang mga kargamento ay doon na ito nadiskubre.
Sinabi naman ni Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) Chief Joeffrey Tacio, sa una raw ay pinayagan sana ang shipment para maibaba batay naman sa lumang import permit mula sa Sugar Regulatory Administration (SRA) at BOC.
Kinumpirma naman ni Sec. Rodriguez, ang ganito umanong modus ay una ng inireport sa kanyang opisina kaya naman iniutos niya ang masusing imbestigasyon.
Lumabas din sa initial investigation na ang consignee sa na-intercept na shipment sa Subic ay ang Oro-Agritrade Inc. habang ang Thai exporter ay nakapangalan sa isang Ruamkamlarp Export Co. Ltd.
Ibinulgar din ni Rodriguez na ilang personalidad ang umano’y nagkokontrol sa Subic Port, kabilang ang pangalan na “Buboy” at “Reggie” na gumagamit sa mga pangalan na “ Kysse Lish” at “Foxxie” bilang mga consignees sa mga smuggled sugar.