Nagpahayag nang pagkabahala ang Malacañang sa panibagong insidente sa Sibutu Strait kung saan dumaan uli ang Chinese warships at nagpatay ng automatic identification system (AIS).
Magugunitang naghain na ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa China kasunod ng naunang insidente.
Tinawag pa ito noon ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na pambu-bully.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi ito gawain ng isang kaibigan at isa rin itong paglabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Ayon kay Sec. Panelo, bahala na ang DFA kung muli itong maghahain ng protesta.
Posible rin daw na ungkatin ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paghaharap nila ni Chinese Pres. Xi Jinping ngayong Agosto.
Samantala sinabi na rin ni Lorenza na walang epekto ang pahayag ni Chinese Ambassador Zhao Jianhua
na agad nilang ipapaalam sa Philippine government kung dadaan muli ang kanilang Chinese warship sa teritoryo ng bansa.
Kabilang pa sa nabanggit ni Lorenzana ay ang panibagong insidente kung saan tatlong reconnaissance vessel ng Chinese Navy ang muling na-monitor sa may bahagi ng Sibutu at Balabac Strait sa Tawi-Tawi dalawang linggo na ang nakakalipas.
Una nang inalmahan ng kalihim ang ginawa ng Chinese vessel na naglayag nuong nakaraang buwan na hindi nagpaalam at pinatay ang kanilang AIS.
Binigyang-diin ni Lorenzana na dapat dapat sumunod ang China sa ipinapatupad na international protocol lalo na kung dadaan ang mga ito sa teritoryo ng isang bansa.
“Wa epek yung sinabi ni Ambassador Zhao na they will inform us in advance,” pahayag ni Sec. Lorenzana. “Only the Chinese refuse to conform to internationally accepted norms by ignoring them.”
Samantala, inilabas na ng Western Mindanao Command ang mga kuhang larawan sa limang Chinese warship na naglayag sa Philippine waters ng walang paalam sa Philippine government.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Wesmincom commander Lt Gen. Cirilito Sobejana dalawang Chinese vessels ang naglayag noong nakaraang buwan ng July at tatlong reconnaissance o warship ngayong buwan ng Agosto.
Sinabi ni Sobejana lahat ng limang Chinese warships na naglayag sa bahagi ng Sibutu at Balabac Straits ay walang pahintulot sa Philippine government. (with report from Bombo Analy Soberano)