-- Advertisements --

Nagpulong ang mga opisyal ng Malacañang sa pangunguna ni Executive Secretary Ralph Recto kasama ang 22 lider mula sa siyam na business groups at 25 executives ng mga kumpanya ng langis upang bumuo ng mga hakbang na magpapagaan sa epekto ng krisis sa petrolyo. 

Layunin ng nasabing dayalogo na protektahan ang productivity ng bansa at pigilan ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin na dulot ng patuloy na tensyon sa Middle East sa pagitan ng Estados Unidos, Israel, at Iran.

Sa nasabing pulong, kinumpirma ni Energy Secretary Sharon Garin na ang kasalukuyang imbentaryo ng bansa ay sapat para sa average na 50 araw. 

Binigyang-diin ni ES Recto na sa ngayon pinalalakas na ng gobyerno ang “oil diplomacy” upang matiyak na laging may sapat at nadaragdagan ang stock ng langis sa bansa.

Sinabi ni Recto na dahil ang diesel ang bumubuo sa halos 70 porsiyento ng gastos sa transportasyon, may inilatag na mga bagong direktiba mula sa Office of the President.

Kabilang dito ang mungkahi na magbukas ng mga container yard sa labas ng Metro Manila na agad ipinasa sa Bureau of Customs para sa implementasyon upang matugunan ang port congestion. 

Isinailalim din sa urgent review ng MMDA ang oras ng truck ban upang mapabilis ang daloy ng mga produkto at mabawasan ang gastos na ipinapasa sa mga mamimili.

Ipinag-utos din ang pagtanggal sa mga hindi kinakailangang checkpoints lalo na sa mga biyahero ng mga pagkaing mabilis mabulok gayundin ang pagpapabilis sa pagbaba ng mga singilin o fees sa mga lokal na pamahalaan.

Nanawagan naman si Recto sa pribadong sektor na magpatupad ng energy saving measures at flexible work arrangements habang iniwasan ang hindi patas na pagtaas ng presyo. 

Binigyang-diin ni Recto na panahon ito para sa pagtutulungan ng lahat at hindi para sa pagkamal ng tubo ng iilan. 

Tiniyak din ng Palasyo na ang mga tulong mula sa gobyerno gaya ng fuel subsidies at financial assistance ay mananatiling targeted para sa mga pinakamahihirap na sektor at maliliit na negosyong lubhang apektado ng krisis.