“Life must go on” para kay KC Montero matapos itong mapabilang sa mahigit 100 inaresto sa isang rooftop bar sa Salcedo Village sa Makati nitong weekend.

Pahayag ito ng 42-year-old American TV host/radio jockey ngayong nakauwi na sa kanilang bahay mula sa dalawang araw na pagka-detene sa gym ng Barangay Guadalupe Nuevo sa Makati.

Ayon sa ex-husband ng celebrity ding si Geneva Cruz, nakakarinig siya ng mga haka-haka tungkol sa kinasangkutang insidente pero ayaw na niya itong patulan.

Kagabi nang makauwi si KC o Casey Wyatt Montero Miller sa tunay na buhay, at ngayong araw ay back to work na rin.

Una na nitong inilarawan na ang pagkakadakip sa kanila ay maituturing na “backwards social distancing” dahil dikit-dikit din naman sila nang isinakay sa truck.

Sa panig ng Makati City Philippine National Police, hinuli nila ang grupo na kinabibilangan din ng ilang British at Irish nationals habang nag-iinuman sa naturang restobar dahil sa isyu ng paglabag sa social distancing protocol pero wala namang nakumpiskang party drug.

Nabatid na magdi-dinner lang sana si Montero kasama ang bagong asawang si Stephanie Dods nang mangyari ang raid.

Si Dods ay 2007 Miss World New Zealand titleholder.