KALIBO, Aklan – Inaresto ang apat na magkakaibigan sa kalagitnaan ng kanilang inuman sa Barangay Balabag sa Isla ng Boracay kagabi o bisperas ng araw ng halalan.
Nagngangalan ang mga suspek na sina Wenceslao Flores, Faustino Mangibin, Royulo Aguilar at Rusty Castillo, pawang residente ng naturang lugar.
Ayon kay P/Staff Sergeant Jane Vega, tagapagsalita ng Aklan Police Provincial Office, batay sa ulat na ipinadala ni P/Lt. Col. Don Dicksie de Dios, hepe ng Malay Municipal Police Station, ang mga suspek ay nahuli sa aktong nag-iinuman sa pampublikong lugar ng mga nagpapatrolyang tauhan ng Malay-Philippine National Police.
Nabatid na ilang tourism establishments sa isla ang nag-apply ng exemptions sa liquor ban para sa kanilang mga bisita.
Ang mga dinakip ay nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa liquor ban in relation to the Omnibus Election Code kaugnay sa May 9, 2022 National and Local Election.