Nagpahayag ng matinding pagtutol ang Makabayan bloc sa pag-apruba sa bersyon ng Senado ng panukalang Maharlika Investment Fund (MIF) na magbabalik sa paggamit ng pension fund ng mga manggagawa mula sa Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) matapos itong ibukod sa bersyon ng Kamara de Representantes.
Sa isang pahayag, nanawagan ang Makabayan bloc sa publiko na tutulan ang hakbang ng kasalukuyang administrasyon at inihayag na ibinalik sa bersyon ng Senado ang paggamit ng mga pensiyon fund sa panukalang MIF.
Giit ng grupo na iminumungkahi sa naturang panukala na taasan ang capitalization ng Maharlika Investment Corporation mula sa P75 billion sa bersyon ng Kamara tungo sa napakalaking P500 billion.
Nagpahayag din ng pagkadismaya ang grupo dahil mas pinipili umano ng Senado na ipagwalang-bahala ang malawakang sentimyento ng mga manggagawa mula sa pribado at pampublikong sektor sa buong bansa para sa gobyerno.
Bukod kasi sa GSIS at SSS, muling isinama ng Senate version ng MIF ang Pag-IBIG Fund bilang pagmumulan ng pondo ng panukala.
Napansin din aniya na pinahihintulutan ng Senado ang administrasyong Marcos na kunin ang iba pang sources o mapagkukunan ng pondo ng gobyerno, tulad ng “royalties” at special assessments.
Tinawag ito ng grupo na isang catch-all provision na nagbubukas ng isang malawakang sources pondo ng gobyerno, kabilang halimbawa, ang Malampaya fund o maging ang kita mula sa mga bagong buwis na ilalagay sa Maharlika Investment Fund.
Naniniwala ang Makabayan bloc na ang Maharlika Investment Fund bill ng Senado ay maglalagay sa panganib sa kapakanan at kinabukasan ng mamamayang Pilipino kayat marapat aniya itong tutulan.
Matatandaan, noong Disyembre 16, 2022, inaprubahan ng House of Representatives ang MIF bill. Bago inamyendahan, nauna ng isina sa bersyon ng Kamara ang Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines (DBP), Philippine Gaming and Amusement Corp. (Pagcor), at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) bilang mga contributor ng MIF.