Tiniyak ng Makabayan Bloc members na mahigpit nilang babantayan ang isisingit na confidential funds sa mga ahensya ng gobyerno sa pagsisimula ng paghimay sa 2025 National Expenditure Program.
Ayon kay House Deputy Minority Leader France Castro na tututukan nila ang “discretionary” at pork barrel sa mga ahensyang hindi kailangang buhusan ng pondo pati na ang confidential at intelligence funds ng Office of the President.
Kailangan din aniyang ikonsidera ang budget deficit at ang lumolobong utang ng bansa na umabot na sa P15 trillion.
Bukod dito, nais busisiin ni Castro ang alokasyon na inilagay bilang “unprogrammed funds” tulad umano ng health emergency allowances ng health workers at sa PhilHealth.
Dagdag pa ni Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas, dapat maging mapagmatyag laban sa pagtaas ng pondo ng militar partikular sa usapin ng West Philippine Sea.
Hiling ni Brosas na mabuhusan ng pondo ang Department of Agriculture, Department of Education, Department of Health at ang housing program para sa mahihirap bagama’t dapat ay tiyaking walang bahid ng korapsyon.