Mariing kinondena ng ilang miyembro ng Makabayan bloc ang government operation na isinagawa sa Iloilo at Capiz kung saan walong sibilyan ang namatay.
Sa isang pahayag, binigyang-diin nina House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at Rep. Eufemia Cullamat na ang mga nasawi ay miyembro umano ng mga indigenous peoples.
Ayon kay Cullamat, hindi raw katanggap-tanggap ang brutal na panghaharass at patuloy na paghahasik ng lagim ng mga militar at kapulisan sa mga miyembro ng Tumanduk.
Batay sa mga otoridad, ang mga namatay sa naturang operasyon ay miyembro umano ng New People’s Army (NPA) na nagpumiglas noong sila ay aarestuhin.
Inihalintulad naman ni Zarate ang insidente sa nangyaring raid noong Disyembre 27, 2018 sa Negros Oriental kung saan anim na magsasaka ang namatay. Ang Visayas police ay pinamumunuan noon ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Debold Sinas.
Saad pa ng mambabatas na dahil daw sa kasalukuyang katungkulan ni Sinas ay tila nakakasanayan na ang mga ganitong uri ng kwestyonable at madugong operasyon.