LEGAZPI CITY – Hinamon ng Makabayan bloc si National Task Force to End Local Communist Armed Conflicts (NTF-ELCAC) spokesperson Army Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. na tapusin na ang isyu sa “red-tagging” sa mga militanteng grupo, artista at ilan pang kilalang kritiko ng pamahalaan.
Imbes ayon kay Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate sa Bombo Radyo Legazpi, magsampa na lamang ng kaso at ilabas ang sinasabing “truckloads of evidence” nito.
Pagbabahagi ni Zarate, handa ang grupo na makipagharap kay Parlade sa korte.
Mas nailalagay umano kasi sa panganib ang kanilang buhay at seguridad dahil sa mga walang katuturang alegasyon.
Payo pa ni Zarate kay Parlade na tigilan na ang “classic misinformation”.
Dati na rin umanong nire-“red tag” ang grupo noon pa ngunit mas lumakas pa umano sa kasagsagan ng pagtalakay sa 2021 proposed national budget kung saan nasilip umano ang bilyon-bilyong alokasyon para sa task force na mas malaki pa sa pambili ng COVID-19 vaccines.