-- Advertisements --

Majority ng ating mga kababayan ang mas pinili ang Estados Unidos na maging katuwang ng Pilipinas para sa pagtugon sa nagpapatuloy na tensyon sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Batay sa inilabas na resulta ng commissioned survey ng International Think Tank Stratbase Institute sa Pulse Asia Survey, lumalabas na walo sa sampung mga Pilipino ang nagsabing dapat na makipagtulungan ang Marcos administration sa Estados Unidos para tugunan ang isyu sa WPS.

Sa naturang data, katumbas ito ng nasa 79% ng mga Pinoy ang pumili sa Amerika, habang 43% naman n mga respondents ang pumili sa Australia, at 42% naman sa Japan.

Habang tanging nasa 10% lamang o katumbas ng isa sa sampung mga Pilipino ang nasabing dapat ay makipagtulungan ang ating pamahalaan sa China hinggil sa nasabing usapin.

Ayon kay Stratbase president, Prof. Dindo Manhit, ang naturang resulta ng nasabing survey ay nagpapakita lamang na kinakailangan pang mas palalimin ng Marcos administration ang alliance at partnership nito sa mga like-minded states ng ating bansa tulad ng US, Australia, at Japan.

Aniya, nangangahulugan lamang ito na ang walang patid na suporta ng naturang mga bansa sa Pilipinas, partikular na sa usapin sa West Philippine Sea ay nagpapataas pa sa kumpiyansa ng ating bansa pagdating sa international community.

Ang nasabing survey ay isinagawa mula noog Disyembre 3 hanggang Disyembre 7, 2023 sa nasa 1,200 na mga respondents mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.