Binigyan diin ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kailangan pa rin nang mahigpit na monitoring ng mga local government units sa kanilang mga residente kahit pa pinayagan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang interzonal movement ng fully vaccinated na sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine at Modified General Community Quarantine.
Iginiit ni Vergeire na kahit fully vaccinated na ang isang indibidwal ay maari pa rin naman itong mahawa at makapanghawa kung sakali sa ibang tao.
Kaya mahalaga talaga aniya na magkaroon ng safeguards ang mga LGUs tulad nang striktong symptoms screening.
Pero, para kay dating task force adviser Dr. Tony Leachon, masyado pang “premature” ang imlpementasyon ng panibagong guidelines na ito ng IATF-EID.
Hindi pa nga kasi aniya contained ang viral transmission sa iba’t ibang probinsya ng bansa tulad na lamang ng sa Davao, Iloilo at Bacolod.
Bukod dito, banta rin sa kasalukuyan ang mas nakakahawang Delta variant.
Ang mahalaga sana kasi aniya ay ma-control muna ng gobyerno ang transmission ng virus sa pamamagitan ng testing, contact tracing at vaccination.
Para kay Leachon, “weakest link” sa ngayon ang testing sa bansa, habang “virtually absent” naman ang contact tracing, at ang vaccination rate sa ngayon ay nasa 3% pa lang ng populasyon.
Sa kabilang dako, sa isa namang Facebook post ay sinabi ng molecular epidemiologist na si Dr. Edsel Salavana na ang isang fully vaccinated na indibidwal ay posibleng malayo nang mahawa pa sa COVID-19.
At kung sakali mang tamaan talaga sila ng infection, ang dami ng virus na inilalabas ng katawan ng mga fully vaccinated na ay mas kaunti kung ikukumpara naman sa hindi pa nababakunahan.
Dagdag pa ni Salvana, mababa rin ang posibilidad na magkaroon ng transmission mula sa mga indibidwal na ito.