Nagbigay ang gobyerno ng mahigit P584 million para sa mga mangingisda at magsasaka na apektado ng oil spill sa Pola, Oriental Mindoro, ayon yan sa Department of Agriculture-Mimaropa.
Nagsanib pwersa ang DA-Mimaropa, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Agricultural Credit and Policy Council (ACPC) sa Pola, Mindoro, upang tulungan ang industriya ng agrikultura at pangisdaan na nakaranas ng oil spill na dala ng lumubog na oil tanker na MT Princess Empress noong Pebrero 28.
Sa kasalukuyan, hindi bababa sa 178,000 indibidwal at 13,000 mangingisda ang naapektuhan, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Nag-alok na din ang gobyerno ng skills training mula sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA upang matulungan ang mga mangingisda na magkaroon ng alternatibong kabuhayan.
Ang DA-Mimaropa ay namahagi rin ng makinarya sa agrikultura, at mga post-harvest facility, tulad ng mga pump at engine four-wheel drive tractors, recirculating dryer, multi-cultivator, mga pasilidad ng packing house, at mga hauling trucks.
Una nang sinabi ng DA-Mimaropa na nakipag-ugnayan na rin ang Department of Social Welfare and Development, Department of Labor and Employment, at Department of Trade and Industry at iba pang ahensya sa mga apektadong komunidad