-- Advertisements --
pangandaman

Naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng mahigit P3.410 billion para pondohan ang pag-aaral ng mga Pilipinong mag-aaral sa technical vocational institutions.

Ito ay kasunod ng paglagda ni DBM Secretary Amenah Pangandaman noong nakalipas na araw sa special allotment release order (SARO) para sa paglalabas ng naturang pondo sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa implementasyon ng Universal Access to Quality Tertiary Education (UAQTE) Act.

Saklaw sa popondohan ang gastusin sa tertiary education ng lahat ng Pilipinong estudyante sa technical vocational institutions na nakarehistro sa ilalim ng TESDA.

Nasa 54,783 target beneficiaries ang naturang programa ngayong taon na ipapatupad sa buong bansa sa pamamagitan ng Diploma Programs.

Ipinunto ng Budget Secretary na ang pinakamagandang investment para sa ating mga kabataang Pilipino ay ang edukasyon at makakatiyak din na walang mag-aaral ang mapag-iiwanan.

Sinabi din ng DNM na ang naturang pondo ay kalakip sa regular budget ng TESDA para ngayong taon kung saan saklaw dito ang payment para sa tuition fees, miscellaneous fees, accident insurance, trainee provision, health/protective equipment, internet allowance, starter tool kits, national assessment fees at iba pang school fees ng mga benepisyaryo para sa kasalukuyang taon.