Hindi bababa sa P21.7 billion na halaga ng shabu ang nasamsam habang nasa kabuuang 44,866 na personalidad ng ilegal na droga ang naaresto sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa pahayag na inilabas, ang mga naaresto ay kinabibilangan ng kabuuang 3,169 katao na kasama sa high-value target list ng iba’t ibang anti-narcotics agencies.
Ang mga numero ay sumasaklaw sa July 1, 2022 hanggang April 30 na operasyon ngayong taon.
Sa P21.7 billion na halaga ng iligal na droga, sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency na halos 3,000 kilo sa mga ito ay shabu habang halos 2,500 kilo ay marijuana.
Ang natitira ay ecstasy at cocaine.
Ibinunyag din ng ahensya na 8,332 lamang sa mahigit 42,000 barangay sa bansa ang kinokonsiderang mga lugar na apektado ng ilegal na droga.
Ang Philippine Drug Enforcement Agency ay ang nangungunang ahensya sa pagsasagawa ng anti-illegal drugs operations sa bansa ngunit madalas na sinusuportahan ng Philippine National Police (PNP) sa pamamagitan ng iba’t ibang drug enforcement units.
Bukod sa mga nakumpiska sa operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency at PNP, iba’t ibang iligal na droga din ang itinurn-over mula sa mga naharang sa himpapawid at mga daungan sa buong bansa.