Nailabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang mahigit P1 billion na pondo para sa 1-time rice assistance ng mga kwalipikadong empleyado at manggagaw ng mga ahensiya ng gobyerno.
Ito ay kasunod ng pag-apruba ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ng kabuuang P1,182,905,000 Special Allotment Release Order (SARO) at corresponding Notice of Cash Allocation (NCA) sa National Food Authority (NFA) noong Abril 13 ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Pangandaman, bilang tugon sa direktiba ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kanilang sisiguraduhin ang kapakanan ng mga manggagawa ng gobyerno sa pamamagitan ng pagbibigay ng assistance para sa kanilang pangangailangan gaya ng bigas at palakasin pa ang produksiyon ng ating mga magsasaka ng palay.
Nasa kabuuang 1,892,648 manggagawa ng gobyerno ang mabebenepisyuhan ng nasabing rice assistance kabilang ang mga Job Order at Contract service personnel.
Makakatanggap ang mga manggagawa ng gobyerno na nasa serbisyo mula Nobiyembre 30 2022.
Matatandaan na nilagdaan ng Pangulo ang Administrative Order No. 2 na nagootorisa sa one time assistance na 25 kilo ng bigas para sa lahat ng kwalipikadong manggagawa ng gobyerno.