-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine Coast Guard na aabot sa kabuuang Php122.7 million na halaga ng hinihinalang cocaine ang narekober ng mga otoridad sa magkakahiwalay na lugar sa unang bahagi ng buwan ng Marso 2024.

Ang mga ito ay pawang mga narekober sa mga katubigang sakop ng Easter Visayas at Northeastern Mindanao partikular na sa may bahagi ng Surigao del Sur, at Surigao del Norte.

Dahil dito ay ipinag-utos ngayon ni PCG commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan sa lahat ng Coast Guard District sa buong bansa na mas paigtingin pa ang kanilang isinasagawang seaborne patrol operations upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa Pilipinas.

Kaugnay nito ay inatasan din niya ang mga ito na paigtingin pa ang kanilang intelligence operations, palawakin pa ang coastal security patrols, at mas higpitan pa ang pagbabatay sa mga sasakyang pandagat na posibleng ginagamit sa pagtransport ng mga illegal na droga.

Gayundin ang mahigpit na pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine National Policem at mga lokal na pamahalaan para naman sa pagkakasa ng mga anti-illegal drug operation lalo na sa eastern seaboard ng bansa. ‘

Habang inatasan din ang mga Coast Guard personnel na mas pagtibayin pa ang pakikipag-ugnayan sa mg mangingisda para na rin sa mas maigting na monitoring system, upang makatulong din ang mga ito sa pag u-ulat ng anumang kahina-hinala at mga ilegal na aktibidad sa karagatan.