ILOILO CITY- Umabot sa mahigit P1.5M na halaga ng pera ang natangay ng mga holdaper mula sa mga empleyado ng isang hardware sa lalawigan ng Iloilo.
Nangyari ang pangho-hold up sa Brgy. Agdahon, Passi City, ang component city ng probinsya ng Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Pol. Lt. Col. Dennis Pamonag, hepe ng Passi City Police Station, sinabi nito na mula pa sa katabing bayan ng Calinog ang dalang empleyado ng hardware sakay sa motorsiklo at dala-dala sa bag ang P1, 560, 200 na pera na i-deposit sa isang bangko sa Passi City.
Nang dumating sa Brgy. Agdahon, hinarangan ang mga biktima ng dalawang suspek na sakay rin sa motor, tinutukan ng baril at nagdeklara ng hold up.
Tinangay ng mga suspek ang bag na dala ng mga biktima na may lamang pera at agad tumakas papunta sa city proper.
Naniniwala ang kapulisan na posibleng sinusundan na ng mga suspek ang biktima mula pa sa bayan ng Calinog.
Sa ngayon, patuloy pang inaalam ng Passi City Police Station ang pagkakilanlan ng mga suspek.