-- Advertisements --

Ibinunyag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na kinumpirma ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nasa P550,000 ang idineposito sa account mismo ng self-confessed gunman na si Joel Escorial sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.

Nagpapatunay aniya ito na accurate o tama ang naging testimonya ng gunman.

Ayon pa sa Justice Secretary na idineposito ang naturang halaga ng kada tranch sa loob ng tatlong linggo at magkakaibang tao aniya ang nag-deposito ng naturang pera.

Saad pa ng kalihim na ipapaliwanag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga karagdagang detalye pa sa naturang isyu sa araw ng Lunes.

Sa ngayon, ayon kay Remulla na nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa pagtukoy sa iba pang mga may kinalaman sa planadong pagpatay sa mamamahayag.

Una nang inamin ni Escorial na nakatanggap ito ng P550,000 sa pamamagitan ng bank transfer matapos patayin si Lapid.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo sa kapatid ni Percy na si Roy Mabasa, kinumpirma nito na nabasa na rin niya ang ilan sa affidavit ng mga testigo tulad na lamang ng pag-ambag ambag ng ilang mga inmates sa Bilibid para mabuo ang P550,000.

Sinabi pa ni mabasa na alam na rin nila ang mga tinutukoy na mastermind pero ipapaubaya na nila sa mga otoridad ang posibleng pag-anunsiyo sa Lunes.