Umakyat na sa mahigit 90,000 na mga indibidwal ang naaapektuhan ng shear line at dating bagyong Kabayan.
Batay sa pinakahuling ulat na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, sumampa na sa kabuuang 90,096 katao o katumbas ng 27,113 pamilya na ang apektado ng masamang lagay ng panahon.
Ang mga ito ay naitala sa 228 na mga barangay sa mga lalawigan ng MIMAROPA, Western Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, at Caraga.
Mula sa naturang bilang nasa 20,685 na mga pamilya o 68,461 na mga indibidwal ang kasalukuyang nananatili pa rin sa 401 mga evacuation centers na itinalaga ng pamahalaan.
Samantala, bukod dito ay iniulat din ng NDRRMC na nasa kabuuang 1,723 na mga pasahero rin sa mga pantalan ang kasalukuyang stranded ngayon.
Habang nasa 10 rolling cargoes din ang hindi pa muna pinahintulutang makapaglayag.
Ito sa kadahilanang suspendido pa rin hanggang ngayon ang operasyon ng ilang mga pantalan sa bansa nang dahil pa rin sa epekto ng masamang lagay ng panahon.
Sa datos pa rin na inilabas ng ahensya, sa ngayon ay nananatili pa ring suspendido ang 29 na mga pantalan sa MIMAROPA, Western Visayas, Northern Mindanao, Southern Mindanao, at Caraga region.
Patuloy naman ang ginagawang pagpapaalala ng NDRRMC sa lahat ng mga bibiyahe na makipag-ugnayan muna sa mga pamunuan ng mga pantalan upang alamin ang status nito bago tumuloy sa pagtungo sa mga pier.