-- Advertisements --

Aabot sa 965 delegado mula sa Western Visayas ang lalahok sa Palarong Pambansa 2025 na gaganapin sa Ilocos Norte, ayon sa Department of Education (DepEd) Region 6.

Sa pahayag ni DepEd-6 spokesperson Hernani Escullar Jr., binubuo ang delegasyon ng 605 atleta, 87 coaches, 24 assistant coaches, 40 chaperons, at 209 miyembro ng technical working group.

Itinuturing na kakaiba ang delegasyon ngayong taon dahil sa pamumuno ng dalawang regional directors – sina Director Ramir Uytico at Director Cristito Eco – na maghahati sa pamamahala sa buong grupo.

Ayon kay Escullar, ito ay isang natatanging pagkakataon na inaasahang magbibigay ng lakas at inspirasyon sa mga koponan.

Bagama’t nabuo na ang Negros Island Region (NIR), kinumpirma ni Escullar na mananatiling bahagi ng delegasyon ng Western Visayas ang mga atleta mula sa Bacolod City at Negros Occidental ngayong Palarong Pambansa 2025.

Ipinahayag din niya ang kumpiyansa ng rehiyon na makalamang laban sa powerhouse na rehiyon na National Capital Region (NCR), lalo’t bahagi rin ng delegasyon si Director Eco na mula mismo sa NCR.

Inaasahang sa Mayo 17, nakatakdang bumiyahe ang mga delegado patungong Ilocos Norte.
Habang isasagawa ang registration at orientation ng mga technical officials sa Mayo 20, at nakatakda naman ang solidarity meeting sa Mayo 23, kasunod ang opening program sa Mayo 24, 2025.