-- Advertisements --
scam

Arestado ng Philippine National Police ang nasa mahigit 800 empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na nasa likod ng mga cryptocurrency scam.

Ito ay matapos ang ikinasang operasyon ng pinagsanib pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group, at Anti-Cyber Group ng Philippine National Police (PNP) sa isang POGO company na nagpapatakbo umano ng cryptocurrency investment scam.

Ayon kay PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director PBGEN Romeo Caramat Jr., nasa kabuuang 851 na mga empleyado ng Hong Sheng Gaming Technology, Inc. naaresto ng pulisya sa bisa ng search warrant na inilabas ni Hon. Maria Roma Flor Ortiz, ang Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 63, Third Judicial Region sa lungsod ng Tarlac.

Aniya, mula sa naturang bilang na naaresto ng kapulisan ay nasa 350 ang pawang mga foreign nationals, habang 500 naman ang mga Pilipino, at isa ang nahuling Malaysian national na kinilala ng mga otoridad na si Chai Kiat Chiw.

Sa ulat, sinasabing ang naturang gaming company ay lisensyado bilang isang POGO ngunit ito rin pala ay nagsasagawa ng ilegal na operasyon ng cryptocurrency investment scam.

Samantala, sa ngayon ay patuloy pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad sa lahat ng mga computer data mula sa nakalap na ebidensya ng pulisya.