-- Advertisements --

Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na patuloy pang nadadagdagan ang bilang ng mga aftershocks na kanilang naitatala mula sa yumanig na magnitude 7.4 na lindol sa Hinatuan, Surigao del Sur.

Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng NDRRMC, umabot na sa 8,145 na mga aftershocks ang kanilang naitatala ngayong araw.

Kaugnay nito ay nakapagtala rin ang ahensya ng apat na may kaugnayang insidente kung saan tatlo sa mga ito ay structural fire, at isa naman ang landslide.

Samantala, bukod dito ay nakapagtala rin ang mga kinauukulan ng nasa kabuuang 180, 314 na mga apektadong pamilya o katumbas ng 711,991 affected individuals nang dahil pa rin sa nangyaring kalamidad.

Mula sa naturang bilang ng mga indibidwal na naapektuhan nang nangyari pagyanig, ansa 56 na mga pamilya o 280 katao ang kasalukuyan pa ring nananatili sa evacuation center, habang nasa 64 na mga pamilya o 313 na mga indibidwal naman ang mas piniling makituloy muna sa kanilang mga kaibigan at mga kamaganak.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang ginagawang panawagan ng mga otoridad sa lahat ng mga residente sa nasabing apektadong lugar na maging maingat, mapagmatyag, at handa laban sa mga posibleng banta ng mga susunod pang mararanasang aftershocks nang dahil pa rin sa naturang malakas na magnitude 7.4 na lindol.