CENTRAL MINDANAO-Mahigit sa 600 na mga indibidwal ang nakatanggap ng serbisyong medikal sa isinagawang medical and dental outreach program ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato.
Sa pangunguna ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza matagumpay na isinagawa ang programa sa mga barangay ng Luhong Antipas, Luanan Aleosan at Brgy. Bunawan sa bayan ng Tulunan, Cotabato.
Naging katuwang ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) sa pagsasagawa ng libreng tuli, check-up, bunot ng ngipin at pamamahagi ng bitamina at gamot ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon sa datus na isinumite ng IPHO, 366 na indibidwal ang nakatanggap ng libreng medical check-up, 93 sa libreng bunot ng ngipin, 37 sa libreng tuli at 109 naman ang nakatanggap ng libreng bakuna kontra covid 19.
Ang medical outreach program ng probinsya ay patuloy na mag-iikot sa mga barangay na lubos na nangangailangan upang maihatid ang serbisyong medikal na isa sa mga prayoridad na programa ni Governor Mendoza.