Ligtas na ang kabuuang 67 mga indibidwal na sakay ng lumubog na motorbanca sa bahagi ng Polillo, Quezon.
Mula sa naturang bilang, 60 ang pawang mga pasahero ng nasabing bangka habang pito naman ang tripulante nito ang nasagip ng mga otoridad mula sa naturang insidente.
Sa inisyal na ulat ng Philippine Coast Guard, bandang alas-1:00pm nakatanggap ng mensahe ang kanilang Coast Guard Sub Station sa Patnanungan mula sa isa sa mga pasahero ng lumubog na Motorbanca Jovelle Express 3.
Batay sa impormasyong nakalap ng PCG, aksidenteng tinamaan ang naturang bangka ng isang matigas na bagay na nagsanhi ng paglubog nito sa tubig.
Dahil dito ay agad na nagpadala ng Deployable Response Group ang Coast Guard mula sa Patnanungan Port upang rumesponde sa mga sakay nito.
Samantala, lahat ng mga pasaherong nasagip ay agad na dinala sa barangay hall ng Barangay Macnit, Polillo para isailalim sa kaukulang assessment.
Wala namang naitalang casualties o nawawala ang Coast Guard mula sa nasabing insidente.
Kung maaalala, ito na ang ikatlong pagkakataon na nagkaroon ng major maritime incident sa bansa sa kasagsagan ng pananalasa ng mga bagyo at hanging Habagat sa Pilipinas.