-- Advertisements --
DSWD food packs

Inaasahang darating na ngayong araw sa Western Visayas ang libo-libong mga family food packs na unang ipinag-utos ni Department of Social Welfare and Development Sec. Rex Gatchalian na ipadala para sa mga residenteng apektado ng Bagyong Goring.

Ang naturang shipment ay binubuo ng 55,000 family food packs na nakatakdang ipamigay sa mga biktima ng pagbaha na dulot ng walang humpay na buhos ng ulan sa malaking bahagi ng Visayas.

Unang ipinadala ng DSWD ang paunang shipment ng mga food packs patungo sa ibat ibang lugar sa Visayas at Mindanao, bilang tulong sa mga biktima ng malawakang pagbaha.

Maliban sa Western Visayas, iniutos din ng kalihim ang pagpapadala ng mga family food packs sa iba pang rehiyon, hanggang sa bahagi ng Mindanao upang matugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga nasalanta ng bagyo.

Agad namang ipapamahagi sa mga nangangailangang residente ang naturang tulong partikular na ang mga family food packs sa oras na dumating na ang mga ito sa nasabing lugar.