-- Advertisements --

Ibinida ng 6th Infantry Division ng Philippine Army ang nasa mahigit 530 na mga rebelde at terorista na-nutralisa ng mga tropa ng mga militar noong nakalipas na taong 2023.

Ito ay sa gitna ng nagpapatuloy na ikinakasang operasyon at pagsusumikap ng kasundaluhan na peace efforts katuwang ang iba’t-ibang lokal na pamahalaan, stakeholders, at maging ng mga mamamayan mismo ng Central at South-Central Mindanao.

Ayon kay 6ID/JTF-Central commander, MGen. Alex Rillera, nasa kabuuang 535 na mga rebelde at terorista na kinabibilangan ng mga high -value target ang nanutralisa ng militar sa nakalipas na taon na kinabibilangan ng mga miyembro ng communist terrorist group, at mga local terrorist group tulad ng Bangsamoro Islamic Federation Front, Daulah Islamiyah, armed lawless group, at marami pang iba.

Ang mga ito ay nanutralisa sa isinagawang 38 lehitimong operasyon ng Joint Task Force Central na nagresulta naman sa pagkasawi ng 57 indibidwal, at pagkasugat ng 22 katao.

Bukod dito ay iniulat din ng Philippine Army na ito rin ay nagresulta sa pagsuko ng nasa 262 na rebelde, habang 45 naman ang arestado, at 149 ang nakapiit ngayon kabilang na ang indibidwal na pawang may mga outstanding warrants.

Kaugnay nito ay aabot naman sa 363 na iba’t-ibang matataas at dekalibreng armas ang nasamsam ng mga tropa noong taong 2023 kabilang na ang mga nakumpiska at narekober na 207 improvised explosive device, at explosive materials, gayundin ang pagkakarekober ng mga otoridad sa nasa 37 kampo ng mga kalaban sa iba’t-ibang bahagi ng Central, at South-Central Mindanao.

Ayon kay MGen Rillera, ang naturang mga operasyon ng militar ay hindi lamang naging epektibo sa agarang pagsugpo sa mga banta mga rebeldeng grupo sapagkat ginampanan din nito ang mahalagang tungkulin sa pagpapaigting pa sa kabuuang security landscape sa rehiyon.