-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nagsagawa ng monitoring activity ang Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Midsayap, Cotabato matapos madiskubre sa kagubatan ang napakaraming malalaking paniki.

Nakita mismo ng mga residente ng Barangay Malagap, Banisilan ang mga flying box na pansamatalang nakatira sa kagubatan malapit sa yungib.

Sinabi ni Brgy Malagap Barangay Chairman Carlos Benedicto, na ang mga wildlife species ay hindi orihinal na naninirahan sa kanilang lugar at galing umano ang mga ito sa karatig barangay ng Guiling sa Alamada, Cotabato.

Dagdag pa niya, matapos malaman na ang mga flying fox ay naninirahan sa kanilang sitio, agad niyang idineklara ang proteksyon ng mga flying mammal gayundin ang kanilang tirahan.

Sa inisyal na pagtaya ng monitoring team, ang nakitang mga flying fox ay humigit-kumulang 50,000 kolonya at may mataas na posibilidad na ang large flying fox (Pteropus vampyrus) at ang endemic na golden-crowned flying fox (Acerodon jubatus) ay nanganganib ng maubos.

Samantala, patuloy naman ang isinasagawang pag-aaral at monitoring ng CENRO Midsayap, malaki kasi ang papel ng mga paniki sa ecosystem.