Nagsimula nang sumabak sa pagsasanay ang nasa 4,220 na mga bagong recruit ng Philippine Coast Guard mula sa iba’t-ibang regional training centers sa buong bansa.
Ito ay matapos na makapasa ang mga bagong recruit sa comprehensive medical evaluation and health assessment upang tiyakin na physically fit ang mga ito para lumahok sa PCG training bago maging isang ganap na coast guard.
Ang naturang bilang ay binubuo ng 400 Coast Guard Officer’s Course trainees sa ilalim ng Class 30 at 3,820 Coast Guard Non-Officer’s Course trainees sa ilalim naman ng Class 100 hanggang 107.
Ang mga ito ay sabay-sabay na nanumpa sa PCG Regional Training Centers sa Bataan, Taguig, Misamis Oriental, Aurora, Capiz, La Union, Masbate, at Zamboanga.
Ayon sa Coast Guard Education, Training and Doctrine Command, ang naturang training ay tatagal nang hanggang anim na buwan na sesentro naman drills, basic soldiery, at mga kaugalian at tradisyon ng Coast Guard.
Bahagi rin nito ang pagsasagawa ng functional training sa maritime security, maritime law enforcement, maritime safety, maritime search and rescue, at marine environmental protection.
Samantala, sa ikatlong linggo naman ng Oktubre 2023 ay pupulungin ng PCG ang 300 trainees ng PCG Regional Training Center Dolores sa Easter Visayas.