Mahigit 400,000 electricity consumers sa Luzon ang walang kuryente, kasunod ng pananalasa ng Severe Tropical Storm Paeng, na nakaapekto sa mahigit 4 na milyong customer.
Naitala ng Manila Electric Co. (Meralco) ang 4,002,292 katao na apektado ng power interruptions simula noong Sabado, kung saan 450,538 pa ang mga customer na walang kuryente hanggang ala-1 ng hapon ng Linggo.
Karamihan sa kanila ay nagmula sa Laguna at Cavite, at ang iba ay nasa bahagi ng Batangas, Metro Manila, Rizal, Bulacan, at Quezon.
Ang mga electricity companies sa Sorsogon, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Laguna, Samar, Eastern Samar, Northern Samar, Leyte, Southern Leyte, Antique, at Aklan ay nagbalik na ng kuryente sa kanilang mga customer ayon sa National Grid Corp. of the Philippines (NGCP).
Ngunit ang mga kompanya ng kuryente sa Aurora, bahagi ng Nueva Ecija, Pangasinan, Quezon, at Batangas ay hindi pa rin ganap na nakapagbabalik ng kuryente.
Nauna nang iniulat ng Department of Energy na tatlong power plant ang nag-offline dahil sa masamang kondisyon ng panahon.