-- Advertisements --
image 66

Umabot na sa mahigit 40,000 mga indibidwal na ang apektado ng malawakang pagbaha sa ilang bahagi ng Western Visayas nang dahil sa masamang panahon doon.

Hindi pa rin kasi humuhupa ang tubig baha sa ilang mga lugar sa nasabing lalawigan kahit na tumigil na ang pagbuhos ng ulan.

Dahil dito ay napinsala na rin ang mga pananim sa lugar, pati na rin ang mga bakod ng mga bahay doon, habang umapaw na rin ang ilog sa ilan pang bahagi nito.

Batay sa datos na inilabas ng Regional Disaster Risk Reduction Management Council – region 6, pumalo na sa mahigit 10,580 na mga pamilya o may katumbas na 44,052 na mga indibidwal ang apektado ng mga pagbaha at pagguho ng lupa sa Iloilo, Capiz, at Negros Occidental kasunod ng mga naranasang pag-ulan doon nang dahil sa pinagsamamg low pressure area at intertropical convergence zone.

Kaugnay nito ay suspendido muna ang lahat ng mga klase sa lahat ng antas sa mga apektado lugar kabilang na ang ilang bahagi ng Iloilo, habang kanselado rin ang mga klase sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa Bacolod City.