
Inihayag ng Department of Health na mahigit 390,000 doses ng bivalent COVID-19 vaccines na donasyon ng Lithuania ang dumating na sa Pilipinas ngayong gabi, Hunyo 3.
Ang mga vaccine doses ay tinanggap ng mga opisyal ng gobyerno, sa pangunguna ni DOH Assistant Secretary Leonita Gorgolon, sa isang seremonya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), na dinaluhan din ng Honorary Consul ng Republic of Lithuania, Julia Netta Vildzius Peña at ng Deputy Head of Mission ng European Union to the Philippines, Dr. Ana-Isabel Sanchez-Ruiz.
Ayon sa DOH, Ang mga bivalent vaccine ay nagbibigay ng proteksyon laban sa orihinal na strain ng COVID-19, SARS-CoV-2, at Omicron subvariants na BA.4 at BA.5.
Noong Agosto 2022, nagsimulang makipagnegosasyon ang DOH para makakuha ng mga supply ng bivalent vaccines.
Noong Enero 2023, nag-alok ang Lithuania na ibigay ang mga bakunang ito.
Sa ilalim ng mga alituntunin ng DOH, ang mga healthcare worker, senior citizen, indibidwal na may comorbidities, at mga immunocompromised ay magkakaroon ng priority access sa mga bivalent vaccines.
Nakasaad din dito na ang isang indibidwal ay maaaring mabakunahan ng mga bivalent vaccine pagkatapos ng hindi bababa sa apat hanggang anim na buwan pagkatapos ng kanilang huling booster vaccine.