Nasa kabuuang 313 overseas Filipino workers (OFWs) na ang nag-marka sa kanilang sarili na ligtas sa gitna ng giyera ngayon sa Israel.
Una ng inihayag ni DMW OIC Hans Leo Cacdac sa eksklusibong panayam ng BOMBO RADYO nitong araw ng Martes na nasa 296 mula sa humigit kumulang 350 OFWs na nasa affected areas o katimugang bahagi ng Israel na malapit sa border ng Gaza ang nagkumpirmang nasa ligtas silang kalagayan.
Aniya, ito ay base sa naging tugon ng mga OFW sa ipinadalang google survey sa pamamagitan ng electronic mails simula ng ideklara ng Israel noong Sabado na nasa state of war ito.
Sa kabuuan, mayroong humigit-kumulang 30,500 Pilipino sa Israel at batay sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA), 95% sa kanila ay hindi nasa katimugang bahagi ng Israel, o malapit sa Gaza Strip na kuta ng rebeldeng Hamas.
Kundi karamihan sa mga Pilipino ay nasa Tel-Aviv, Jerusalem at Haifa.
Mula din nang sumiklab ang bakbakan sa Israel noong weekend, naglagay ang DMW at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng task force na 24/7 nag-o-operate para regular na masubaybayan ang kalagayan ng ating mga kababayang OFW.
Base sa datos ng ahensiya, nasa kabuuang 83 OFW na ang natanggap nilang humiling ng tulong, kung saan 76 dito amg natugunan na habang 7 pa ang kasalukuyang sinusuri.