Papalo na raw sa mahigit tatlong milyong katao ang apektado ng pagtama ng Severe Tropical Storm Paeng sa bansa.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Assistant Secretary at Spokesperson Romel Lopez, ang naturang bilang ay mula na rin sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nangako itong patuloy nilang babantayan ang ating mga kababayang hanggang sa ngayon ay apektado pa rin ng bagyong Paeng.
Aniya, sa ngayon ay nasa 76,000 displaced families ang nanunuluyan pa rin sa mga temporary shelters.
Dagdag ng opisyal, ang naturang mga pamilya ay mula sa National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), Regions 1, 2, 3, Calabarzon, Mimaropa, Regions 7, 8, 9 at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sinabi pa ni Lopez na nagbibigay na rin daw sila ng tulong at financial assistance kasama na rito ang mga nasa labas ng evacuation centers.
Naipamahagi na rin daw ng DSWD ang nasa P69 million na halaga ng assistance.
Sa naturang tulong, nasa P65 million ang mula sa DSWD at P3 million naman ang mula sa iba’t ibang local government units.
Nakatanggap na rin daw ang DSWD ng tulong mula sa non government organization na nasa P13,600.
Prayoridad pa rin naman daw ng kagawaran ang pagbibigay ng tulong sa mga nawalan ng tirahan dahil sa pananalasa ng bagyo.
Ang mga pamilyang nawalan ng kaanaka dahil sa bagyo ay nakantanggap na ng P10,000 na tulong mula sa DSWD.
Samantala, mayroon namang P186.4 million quick response fund ang DSWD at P82 million na available standby fund sa kanilang mga regional offices.
Una rito, binuksan na rin ng DSWD ang kanilang opisina para sa mga donasyon para sa mga biktima ng bagyong Paeng.
Tumatanggap daw ang kagawaran ng cash o in-kind donations.
Kung maalala, base sa huling data mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay pumalo na sa 112 ang bilang ng mga namatay matapos ang bagyo.
Papalo na rin sa 160 cities at municipalities ang nasa ilalim ng state of calamity.