Aabot sa kabuuang 22,081 na kapulisan ang itatalaga ng National Capital Region Police Office sa buong Metro Manila upang magpatupad ng seguridad at kapayapaan sa nalalapit na ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 24, 2023.
Sa isang pahayag ay sinabi ni NCRPO Director PMGEN Edgar Alan Okubo na ang mga ito ay magmumula sa 17,121 na mga distrito ng kapulisan, at mga tanggapan ng NCRPO, habang nasa 4,460 naman ang mangagaling sa iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan
Bukod dito ay mayroon ding 500 na karagdagang indibidwal ang magmumula sa mga volunteer groups at force multipliers, kasama na ang 4,405 na bubuo sa Reactionary Standby Support Force, na siyang magsisilbing augmentation/strike force na handang magbigay ng karagdagang pwersa kung kakailanganin.
Pangunahing bibigyang pansin at seguridad ang Batasang Pambansa sa Lungsod ng Quezon kung saan gaganapin ang SONA 2023 at ang 31 border control points na ilalatag sa mga kinilalang lugar na papasok at palabas ng kalakhang Maynila.
Habang nakahanda na rin ang mga Civil Disturbance Management (CDM) contingents, kung sakaling may mga grupong magsasagawa ng di-mapayapang kilos-protesta sa mga ipinagbabawal na lugar, upang maiwasan ang anumang banta sa kaligtasan ng publiko.
Habang nagpaalala rin si Okubo sa publiko na mula 12:01AM ng July 24, 2023 hanggang 12:00MN ng July 25, 2023 ay suspendido muna ang “Permit to Carry Firearms Outside Residence” (PTCFOR) sa Metro Manila.