-- Advertisements --

Aabot sa mahigit 200 railway workers ng Philippine National Railway ang pinangangambahang mawawalan ng trabaho.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa ipatutupad na limang taong suspension sa operasyon ng naturang railway sa Metro Manila para magbigay-daan sa kostruksyon ng North-South Commuter Railway project ng pamahalaan.

Ayon kay PNR Chief Michael Macapagal, nasa 300 mga empleyado ang nagtatrabaho sa kanila bilang mga railway workers ngunit gayunpaman ay tiniyak niya na hindi pababayaan ng kanilang pamunuan ang mga ito.

Mula sa naturang bilang nasa 150 na mga manggagawa ang inalok na lumipat ng kanilang trabaho sa iba pang mga railway ng PNR na nagpapatuloy pa rin ang operasyon sa Southern Luzon, partikular na sa Bicol, at Lucena City ngunit sa ngayon ay nasa 50 empleyado pa lamang ang tumatanggap dito.

Gayunpaman ay sinabi rin ni Macapagal na bumuo na sila ng placement committee para tulungan ang natitira pang mahigit 200 mga displaced employees na makahanap din ng kanilang trabaho kung saan pinaplano nitong ilipat ang mga ito sa iba pang mga attached agencies ng Department of Transportation.

Bukod dito ay maaari rin makahanap ng iba pang trabaho ang mga displaced workers sa iba pang mga private contractor.

Pinagkaloob na rin aniya ang mga ito ng kanilang severance packages, at entitlement benefits sa pamamagitan naman ng pondo ng DOTr para sa construction ng North-South Commuter Railway project.