Humihingi ngayon ng tulong sa embahada ng Pilipinas ang mahigit 200 na Pilipino na nasagip sa Myanmar matapos ma-scam ng recruitment agency.
Batay sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA) hindi bababa sa 222 ang ngayo’y humihingi ng tulong na makauwi sa bansa, 66 sa mga ito ang naiulat na tumawid patungong Thailand at 9 naman sa kanila ay pumunta sa Yangon City, na kasalukuyan nang nasa embahada.
Nabatid na ang lubhang paglaganap ng mga scam operation facilities sa Myanmar, Laos at Cambodia ay talamak sa mga Pinoy at iba pang lahi, na karaniwan umano ay pinangakuan ng legal na trabaho ng mga pekeng recruitment agency.
Nasagip ang mga pinoy matapos ang patuloy na isinasagawang pag-salakay ng mga awtoridad ng Myanmar sa mga scam hub compounds sa kanilang bansa.
Tiniyak naman ng DFA na nakikipagtulungan na ang kanilang ahensya sa mga awtoridad upang maka-uwi ang mga Pilipino na kasalukuyang namamalagi sa rescue camp. Habang patuloy pang bineberipika ang bilang ng mga Pilipino na nakakulong sa mga scam hub compounds.
Samantala, pinayuhan naman ng ahensya ang mga Pilipino na nag babalak mag-trabaho abroad na siguraduhing lihitimo ang agency na pinag-aaplyan upang maiwasan ang mga ganitong uri ng insidente sa hinaharap.














