-- Advertisements --

Sa gitna ng papalapit na pagdiriwang sa pagsalubong sa Bagong Taong 2024 ay patuloy pa ring nadadagdagan ang bilang ng mga pasaherong naitatala ng Philippine Coast Guard sa iba’t-ibang mga pantalan sa buong Pilipinas.

Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng PCG, kahapon, Disyembre 27, 2023 ay pumalo na sa kabuuang 222,095 ang bilang ng mga pasaherong kanilang naitala sa mga pantalan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Mula sa naturang bilang, aabot sa 120,372 ang pawang mga outbound passengers, habang nasa 101,723 naman ang mga namonitor nitong mga inbound passengers.

Bilang bahagi pa rin ng OPLAN Biyaheng Ayos Pasko 2023 ng PCG, ay nagpakalat din ito ng kabuuang 5,912 na mga frontline personnel sa 15 PCG Districts na uminspeksyon naman sa 883 na mga barko at 1,266 na mga motorbancas.

Inaasahang magtatagal hanggang sa Enero 3, 2024 ang heightened alert status ng PCG mula nang ipatupad ito nong Disyembre 15, 2023 bilang paghahanda sa pagdagsa sa mga pantalan ng maraming mga pasaherong uuwe sa kani-kanilang mga probinsya.