DAVAO CITY – Nasa mahigit 200 thousand na mga indibidwal sa Davao Region ang nanatiling unvaccinated.
Ito mismo ang kinumpirma ni Dr. Janis Olavides, focal person ng Covid-19 Vaccination Program ng Department of Health – Davao.
Ayon sa opisyal, bumaba ang bilang ng mga hindi pa nabakunahan dahil sa retargeting ng national level.
Base sa datos ng DOH-Davao, sa target population na 3,796,830, nasa 85.2% o nasa 3,234,203 na ang fully vaccinated.
Plano ngayon ng ahensya na magsagawa ng pagbakuna sa first dose ngayong buwan para sa mga unvaccinated lalo na sa mga lolo at lola o senior citizens.
Dagdag pa ni Olavides na pinagsisikapan nilang maabot ang target na 50% para sa mga booster doses.
Kinumpirma din ng Davao City Covid-19 Task Force na nakapag-administer na sila ng 22.02% para sa unang booster dose at 15.85% para sa ikalawang booster dose mula sa naunang booster population as of July 29.
Sa kabuoang rehiyon, nasa 533,181 na mga indibidwal ang nagpa-booster as of August 1.
Kahit pa man sa mataas na bilang ng mga nagpabakuna, may mga bakuna pa rin na malapit ng ma-expire dahil hindi pa ito nagagamit.
Nanawagan na lamang ngayon ang ahensya sa bawat lokal na pamahalaan sa rehiyon na palakasin pa ang panghihikayat sa publiko na magpabakuna laban sa COVID-19.